Lahat ba ng namamagang kulani ay dahil sa kanser?
Ano ang KULANI at kailan ito dapat i-BIOPSY?
Ang mga KULANI ("LYMPH NODE" sa English,
"LUSAY" sa Bisaya) ay normal na matatagpuan sa maraming parte ng
ating katawan. Ito ay ang bahagi ng ating immune system kung saan naninirahan
ang mga lymphocyte na panlaban sa mga infection at iba pang mga sakit tulad ng
lupus at cancer. Karamihan sa ating lymph nodes ay hindi nakakapa dahil malalim
o nasa loob ng katawan ang mga ito, pero maaaring makakapa ng paisa-isang
kulani sa leeg, kili-kili at singit kung saan ito ay parang butil ng mais sa
ilalim ng balat. Ang pamamaga ng kulani ay pinakamadalas na dulot ng mga
bacterial/viral/parasitic infection, ngunit sa ilang pagkakataon ay maaari
itong maging senyales ng cancer. Hindi dahil may kulani ka ay mayroon ka na
agad cancer.
Kailan dapat ipa-biopsy ang isang kulani? Kapag mas maraming
check sa mga ito, mas lalong dapat ipatingin sa doktor para sa posibleng
biopsy.
1) Kapag ito ay patuloy na lumalaki
2) Kapag ito ay tumagal nang higit 4 weeks
3) Kapag walang ibang mga senyales ng kaakibat na infection
tulad ng ubo, sirang ngipin o pigsa
4) Kapag hindi ito lumiliit kahit nakatapos na ng dalawang
ulit ng tamang gamutan para sa isang pinagsususpetsahang infection
5) Kapag may kasamang iba pang abnormal na sintomas tulad ng
madalas na lagnat, pagpapawis sa gabi at pangangayayat (hindi sinadyang
pagbawas ng higit 10% ng karaniwang timbang sa loob ng nakaraang 6 months)
6) Kapag nagdidikit-dikit na ito sa isang grupo at hindi
naigagalaw kapag hinahawakan
7) Kapag nagsugat, dumugo o pumutok ito
Walang "pangtunaw" sa mga kulani. Para magamot ang
mga kulani, ang sanhi nito ay kailangan munang matukoy para iyon ang gagamutin.
Kaya mahalagang magpatingin agad sa doktor kapag ikaw ay mayroong
kahina-hinalang kulani para ikaw ay masuri, magawan ng mga nararapat na
laboratory test at magamot ito nang tama depende sa diagnosis.
Comments
Post a Comment